May Natutunan ba Ako sa Leksyon ng Aming Guro? Meron nga ba o Wala?


Mga Co-Pisay Isko !!!

Magandang araw po sa inyong lahat at sa aking mga co-bloggers. Ito po ang aking natutunan sa aming talakayan sa Filipino 1 tungkol sa Pang-abay at sa aming tatalakayin pang mga leksyon sa susunod na mga araw, Wastong Paggamit ng mga Salita at Pang-angkop.
Ang pang-abay ay salitang naglalarawan ng pandiwa, pang-uri at kapwa pang-abay. May 12 uri ito, at ito ang mga sumusunod: pamaraan, pamanahon, panlunan, panggaano, pang-agam, panang-ayon, pananggi, panulad, kundisyonal, kusatibo, benepaktibo, at pangkaukulan. Ang pang-abay na pamaraan ay naglalarawan kung paano naganap, nagaganap, o magaganap ang kilos na ipinapahayag ng pandiwa. Ang pang-abay na pamanahon ay nagsasaad kung kailan naganap, nagaganap, o magaganap ang kilos na taglay ng pandiwa. Ang pang-abay na panlunan ay nagsasaad ng lugar kung saan ginawa, ginagawa, o gagawin ang kilos ng pandiwa. Ang pang-abay na panggaano ay nagsasaad ng timbang, bigat, o sukat. Ang pang-abay na pang-agam ay nagsasaad ng pagbabadya o kawalan ng katiyakan sa pagganap ng pandiwa. Ang pang-abay na panang-ayon ay nagsasaad ng pagsang-ayon. Ang pang-abay na pananggi ay nagsasaad ng pagtanggi o pagtutol. Ang pag-abay na panulad ay ginagamit sa pagtutulad ng dalawang bagay. Ang  pang-abay na kundisyonal ay nagsasaad ng kondisyon para maganap ang kilos. Ang pang-abay na kusatibo ay nagsasaad ng dahilan. Ang pang-abay na benepaktibo ay nagsasaad ng kagalingang dulot para sa isang tao. Ito ay tagatanggap ng kilos. At ang pang-abay na pangkaukulan ay pinangungunahan ng tungkol, hinggil, o ukol.

Ang wastong paggamit ng mga salita ay isa sa ating mga pangunahing problema kapag nagsusulat ng pangungusap. Minsan, maling salita ang ginagamit natin sa isang sitwasyon. Katulad na lamang ng may at mayroon. Ang iba ay nalilito kung paano gamitin sa pangungusap ang dalawang salitang ito. Ang may ay ginagamit kung ang sumusunod na salita ay pangngalan, pandiwa, pang-uri o pang-abay, samantalang ang mayroon ay ginagamit kung ang sumusunod na salita ay isang kataga, panghalip na panao o pamatlig, o pang-abay na panlunan. Marami pang mga salita ang minsa’y nakalilitong gamitin, tulad ng walisin at walisan, kong at kung, daw at raw, at marami pang iba.

Ang pang-angkop ay mga katagang nag-uugnay sa magkakasunod na salita sa pangungusap upang maging madulas o magaan ang pagbigkas ng mga ito. May tatlong pang-angkop na ginagamit sa pag-uugnay ng mga salita, ang na, -ng, at –g. Ang pang-angkop na na ay ginagamit sa pag-uugnay ng dalawang salita na kung saan ang naunang salita ay nagtatapos sa mga katinig maliban sa titik n. Ang pang-angkop na –ng ay isinusulat karugtong ng mga salitang nagtatapos sa mga patinig. Samantala, ang pang-angkop na –g au isinusulat karugtong sa mga salitang nagtatapos sa titik n.
Iyon lamang po at maraming salamat sa pagbisita at pagbasa sa aking blog. Marami pa pong mga paksa ang aking ibabahagi sa susunod kong post sa aking blog.
                                                                                                       
                                                                                                        -Anro Emmanuel D. Alquiza

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pagkakaibigan: Ang Bagong Henerasyon

Nanay mo ba'y May Halaga sa Iyo?